0

MANILA, Philippines — Sumuko ang nagpakilalang miyembo umano ng Davao death squad Edgar Matobato ngayong Biyernes sa Philippine National Police national headquarters sa Camp Crame, Quezon City. Kasama ni Matobato si Sen. Antonio Trillanes IV nang humarap sila kay PNP Director General Ronald Dela Rosa.

Naglabas ng arrest warrant ang korte sa Davao City nang hindi daluhan ni Matobato noong Martes ang pagdinig sa kaniyang kasong pagdadala ng baril kahit walang lisensya. Ipinagtanggol ni Trillanes si Matobato at sinabing walang balak na hindi daluhan ng umano’y death squad member ang kaniyang arraignment sa Davao City. Inihaharap sa imbestigasyon ng Senado si Matobato bilang isang testigo laban kay Pangulong Rodrigo Duterte. "Hindi rin alam ni Mr.Matobato so kaya nga highly suspicious tapos imposible siyang maka-attend doon kasi nga may hearing nung Monday na inabot ng alas onse ng gabi tapos may schedule kami ng hearing dapat alas-9 nang umaga sa Senate din," paliwanag ni Trillanes.

Nais tiyakin ni Trillanes ang kaligtasan ni Matobato kaya naman patuloy niya siyang bibigyan ng protective custody kung makakapagpiyansa ang hitman. "All the legal options we will exercise that pero 'pag wala na talaga magagawa we will just have to make sure na safe and secure si Mr. Matobato," dagdag ng senador. Sumuko aniya si Matobato upang patunayan na hindi niya tatakbuhan ang mga kaso laban sa kaniya. "Kailangan niyang pagdaanan ito so pinakita niya na hindi siya tumatakbo at syempre sa mga ganitong mga panahon may mga konting anxiety not knowing kung ano mangyayari pero maganda naman 'yung pagbigay sa atin ng assurance ng PNP na hindi siya masasaktan dito," sabi ni Trillanes.

source:www.philstar.com/bansa

Share this story!

Visit and follow our website: News Info

Loading...

Post a Comment

Loading...
 
Top